Petisyon Para sa Pagbabago sa Pamunuan ng POLO-OWWA, Al-Khobar, Saudi Arabia
Kami ay ang nagkakaisang-OFWs at mga mamamayang PIlipino na nananawagan sa Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas sa pamumuno ni Pres. Rodrigo Roa Duterte para mabigyan ng aksyon at tugon ang karaingan ng mga manggagawang Pilipino sa Saudi Arabia na intensyunal na isinasantabi at matagal ng binabale- wala ng mga inutil na kawani ng POLO-OWWA, Al-Khobar, Saudi Arabia.
Ang pagdurusa ng mga OFWs na biktima ng unjust labor practices, contract substitution, non-payment of salaries, non-payment of End-of-Service Benefits, hindi makatao at hindi makatarungang pagtrato sa mga manggawa, ay lalo pang sumidhi dahil sa pagpapabaya ng mga ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas dito sa Saudi Arabia.
Ang aming hanay, sa tulong at gabay ng Migrante International, ay dumulog na sa POLO-OWWA, Al-Khobar Saudi Arabia, at base sa aming datos, sa mahigit 200 Case Referrals na aming naipaabot simula noong Setyembre 2015 hanggang sa kasalukuyan, pito (7) lamang sa mga kasong aming naidulog ang usad-pagong pang inaasikaso.
Ang pagdurusa ng kanilang mga pamilya sa Pilipinas ay sagad-sagarin na. Gayundin ang paghihirap ng mga biktimang OFWs sa Saudi Arabia ay doble-doble at hindi na kayang matarok ng matuwid na imahinasyon, kaya kami ay nagkakaisa sa paglahad ng aming diskuntento at pagkondena sa inutil na pamumuno ni OIC Labor Attache Ms. Dayang Dayang Sitti Jaafar:
- Halos pagtabuyan ang mga OFWs na humihingi ng tulong sa POLO-OWWA, Al-Khobar, Saudi Arabia;
- Hindi nagbibigay ng interpreter at legal assistance/abogado sa mga OFWs na nagsampa ng kaso laban sa mga manloloko at abusadong employers, na naging dahilan sa pagkatalo ng mga naisampang kaso;
- Pinapaasa at pinaghihintay sa wala ang mga OFWs sa hungkag na tulong ng POLO-OWWA, Al-Khobar, Saudi Arabia;
- Kawalan ng agaran at karapat-dapat na aksyon sa mga idinudulog na problema ng mga manggagawa;
- Tinatakot ang mga manggawa na diumano’y ipapakulong ng tatlong-taon kung gagawa at magpapalabas ng video sa main-stream media at social media/network para humingi ng tulong at manawagan sa pamahalaan ng Pilipinas;
- Umaastang protektor ng mga abusado at manlolokong employers, imbes na maninindigan sa panig ng mga OFWs;
- Hindi makatao, walang sinseridad sa pagtulong at walang kakayahang pamunuan ang opisinang dapat sana’y nagiging kanlungan at tagapagtanggol ng mga OFWs.
At para mabigyang katarungan at maibsan ang pagdurusa ng mga kaawa-awang stranded, distressed at biktimang OFWs, kami ay nagsusumamo kay Pres. Rodrigo Roa Duterte at kay Sec. Silvestre Bello III ng DOLE na tanggalin sa pwesto at palitan na ang non-performing at inutil na namumuno ng POLO-OWWA sa Al-Khobar na si Ms. Dayang Dayang Sitti Jaafar.
Ang kanilang pananatili sa pwesto ay insulto sa mga OFWs at masang nagbabayad ng buwis sa Pilipinas.
Kasabay nito, kami ay nananawagan para sa agarang tulong ng gobyerno ng Pilipinas, at para sa maramihan at libreng pagpapauwi sa kanila.
Dahil dito, kami ay nagkakaisa at boluntaryo sa paglagda sa PETISYONG ito para ihayag ang aming diskuntento kay OIC Labor Attache Dayang Dayang Sitti Jaafar.
Hangad at dasal namin ang pagtugon ng Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas sa aming hinihinging tulong at agarang aksyon sa PETISYONG ito.
Comment