Gerardo Cruz 0

NO TO COAL PLANT IN SUBIC

Show your support by signing this petition now
Gerardo Cruz 0 Comments
0 people have signed. Add your voice!
0%

KAMI, mga nakapirma sa ibaba na mga indibidwal, Organisasyong Multisektoral, Taong Simbahan, Grupong Negosyante, at naliliwanagang opisyal ng gobyerno, ay nakikiisa sa lumalawak na kahilingang itigil ang planong pagtatayo ng 600-megawatt coal-fired power sa Sitio Naglatore, Barangay Cawag sa Subic, Zambales. Ang seryosong panganib na idudulot ng proyekto sa kalikasan, kalusugan at kabuhayan ng mamamayan ay di hamak na mas masaklaw kumpara sa guni-guning benepisyo nito sa komunidad at mamamayan.

 

Ang kontra-mamamayang proyekto, na iginigiit ng konsorsiyum ng mga “power distributors” - Manila Electric Co., Aboitiz Power Corp. at Taiwan Cogeneration Corp., ay kabaliktaran  sa mga aspirasyon ng mamamayan ng Zambales at Lungsod ng Olongapo sa paghahanap ng alternatibong pagkukunan ng enerhiyang maka-kalikasan. Hindi ito tumutugon sa kahilingan ng mamamayan para sa malinis na Greater Subic Bay Freeport Zone mula sa polusyon at mapaminsalang sangkap na malilikha ng coal-fired power plant.

 

Ang coal plant ay isang makalumang teknolohiya na mapaminsala mula simula hangang wakas sa proseso nito. Mula sa mapaminsalang kalakaran sa pagmimina tulad ng walang pakundangang paghalukay sa kabundukan hanggang sa mga buga at usok ng mercury at greenhouse gases na malagim na inihahasik sa lokal at pandaigdigang kalikasan – ang coal ay likas na mapaminsala sa ating komunidad at klima.  

 

Ang konstruksyon ng coal-fired power plant sa Subic Bay ay nagbabadya ng iba’t ibang antas ng banta sa kalikasan, kalusugan, lokal na ekonomiya at sa kapakanan ng mga residente sa kabuuan. Ang planta ay banta rin sa mga pansakang hayop na maaaring makalunok ng mapaminsalang latak mula sa buga ng planta. Ang mga gulayan sa bisinidad ay tuwirang apektado, kalauna’y apektado din ang kabuhayan ng libu-libong mamamayan ng Zambales, na nakabatay sa pagsasaka, pangingisda at pag-aalaga ng hayop. Di maglalaon, ang lokal na suplay sa pagkain ay madediskaril.

 

Ang potensiyal na kontaminasyon ng Mercury sa dagat ng Subic ay isang seryosong panganib na dapat ay mahigpit na ikonsidera ng mga taga-gawa ng polisiya. Ang polusyon sa dagat ay isa ring malaking dagok sa turismo, isa sa mga pinakamahalagang industriya ng Subic.  

 

ANG ATING PANAWAGAN: NO TO CALL PLANT IN SUBIC BAY!

 

Ang kanlurang Zambales ay biktima na ng 600MW Masinloc Coal-Fired Power Plant. Malubhang apektado ng asidong ulan (acid rain) ang produksiyon ng manga – ang nagungunang produkto ng probinsiya. Ang mga isda at iba pang yamang-dagat sa Oyon Bay na kalapit ng planta ay naitaboy na palayo dulot ng ingay at nalikhang mainit na tubig-dagat, kung saan ay sumira sa kabuhayan ng mga mangingisda. Sa panibagong 600MW na planta na ngayo’y iginigiit na itayo sa timog Zambales, ang pag-ulit ng karanasan sa Masinloc ay dapat masagkaan sa anumang paraan.

 

Tunay nga, na ang konstruksiyon ng coal-fired power plant sa Subic ay magdudulot ng lansakang polusyon na magpapalayas sa mga turista at mamumuhunan, kung saan maiiwan sa atin ang polusyon na di lamang bigong maretoke ang ekonomiya kundi ang posibilidad ng walang kapantay na pagkasira ng kalikasan para linisin. Ang ganitong pang-kalikasan at panlipunang pinsala ay di na muling makokumpuni at tiyak na magiging salot sa susunod na henerasyon.

 

Ang aspirasyon ng mamamayan para sa sustenable at maka-kalikasang alternatibo sa paglikha ng enrhiya kabilang ang wind, geothermal, hydrokenetics, bio-energy, solar power at iba pa ay dapat ikonsidera at ipanguna.

 

Batay dito, kami, mga nagpe-petisyon ay mahigpit na tumututol sa konstruksiyon  ng coal-fired thermal power plant sa Sitio Naglatore, Brgy. Cawag, Subic, Zambales, Pilipinas.

 

 



Links

Share for Success

Comment

Signature

No signatures yet. Be the first one!